Mga dapat mong malaman sa DeFi
Isang mainit na usapin ang DeFi (Decentralized Finance) sa kasalukuyan dahil ito ang inaasahan ng iba na makakapagpabago sa takbo ng merkado.
Kahit na hindi maganda ang takbo ng merkado, ang industriya ng DeFi ay nanatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok. Kamakailan lamang ay nagsara ang isang proyekto sa DeFi na dapat bigyang pansin at huwag pamarisan. Masaklap mang isipin, ngunit hindi pa din nagpatinag ang industriya sa mga ganitong balita.
Ano ang iba’t-ibang sektor ng DeFi?
Ang mga sektor o produkto na ito ay kilala din sa tawag na dApp, mga uri ng aplikasyon kung saan ay gumagana sa desentralisadong paraan.
Lending — Nilalayon ng mga platform na ito ang mag-alok ng mga crypto loan sa isang trustless na paraan, ibig sabihin, walang mga tagapamagitan at pinahihintulutan ang mga gumagamit na ipapatala ang kanilang crypto sa platform para sa mga layunin ng pagpapautang.
DEX — Ito ay mga uri ng palitan na hindi nangangailangan ng sentral na awtoridad upang mamuno. Ito ay mayroon ding iba’t-ibang serbisyong inaalok.
Derivatives — Ang derivative ay mga produkto kasama ang mga option, futures, collateralized loan, at market prediction, kung saan ang isang pag-aayos o instrumento ay may halaga mula sa mga assets. Ang mga asset na ito ay maaaring: isang stock, bond, interest rate, kalakal, o pera.
Payments — Ito ay isang uri ng dApp kung saan ay pinapalawig ang kakayahan ng sinuman upang magkaroon ng kalayaang pampinansyal na walang pinipiling katayuan o estado sa buhay ng mga gumagamit.
Marami pang ibang sektor ang DeFi na hindi napapansin o bago pa lamang sa industriya at na dapat pagtuunan ng pansin.
Sa mga nabanggit na sektor, isa sa pinakalamaki ang mga DEX o desentralisadong palitan na malaki ang tulong sa pagbibigay kalayaan sa lahat upang makipagpalitan sa hawak nilang crypto, anumang crypto ito.
Ano ang dapat tandaan sa paggamit ng DEX?
May mga oportunidad sa paggamit ng DEX ngunit dapat huwag isawalang bahala ang mga hamon na makakatulong upang magamit ito ng buong benepisyo.
Liquidity — Ito ang tumutukoy sa Trade Volume na nangyayari sa palitan, kung gaano ba karami ang pera na umiikot dito sa pang araw-araw na basehan. Ito ay nadedetermina sa pamamagitan ng mga liquidity provider.
Hatol: Mababa
Speed — Ito ay tumutukoy sa bilis ng mga transaksyon sa loob ng palitan at palabas. Ang basehan nito ay ang mismong blockchain kung saan itinatag ang mismong DEX.
Hatol: Nakadepende sa transaction throughput ng isang blockchain o kapabilidad upang magproseso ng mga transaksyon sa mabilis na oras.
Cross-chain capabilities — Ito ay tumutukoy sa kakayahang lumipat o maglipat ng mga asset mula sa isang blockchain system patungo sa isa pang blockchain system.
Hatol: Sa kasalukuyan ay hindi.
Seguridad — Ito ay tumutukoy kung gaano kaligtas gamitin ang mga desentralisadong palitan.
Hatol: Pinakaligtas
Fees — Ito ay tumutukoy sa bayad tuwing magsasagawa ng transaksyon. Ang basehan para sa mga fee na ito ay ang blockchain kung saan isasagawa ang transaksyon.
Hatol: Nakadepende sa transaction throughput ng isang blockchain o kapabilidad upang magproseso ng mga transaksyon sa mabilis na oras.
Pagtatapos
Ang pag-unlad ng industriya ay hindi nadedetermina sa presyo na nakasaad sa merkado. Katulad ng DeFi at iba pang produkto, patuloy ang pag usbong nito, ang kailangan lang nating gawin ay magsaliksik at alamin ang kalakasan at mga kahinaan nito.